Pag-uusapan natin kung papaano mo malalaman kung ikaw ay malapit nang manganak o ibig sabihin, kung in labor ka na. Ang labor ay isang proseso na nangyayari sa matris patungo sa panganganak o childbirth.
Ano nga ba ang mga senyales na manganganak na
Sa simula, may mga early signs na papunta ka na sa pagle-labor. Isa na rito ang pagbaba ng baby mo into your pelvis na tinatawag na lightening. Magkakaroon din ng increase sa vaginal discharge na usually ay clear at mucoid, parang malapot na sipon o minsan parang gelatin na lumalabas sa puerta. Ang mucoid discharge na ito ay tinatawag na mucus plug at ito ay composed of secretions sa cervix na nagsisilbing barrier para protektahan ang baby sa bacteria.
Ang pinakaimportanteng parte ng pagle-labor ay ang uterine contractions o paninigas ng matris. Kapag may uterine contractions, ang muscles ng uterus ay titigas at magre-relax na siyang tumutulong para itulak ang baby pababa at palabas ng matris, at para bumukas ang cervix kung saan dadaan si baby. Ang end point ng uterine contractions ay para bumukas ang cervix to fully dilated o 10 cm.
Paano mo malalaman kung meron kang true labor pains o uterine contractions?
Ang uterine contractions leading to labor ay tatagal ng 30 to 70 seconds at darating nang regular intervals. Sa simula, maaaring every 20 to 30 minutes, tapos magiging mas frequent tulad ng every 12 minutes, 10 minutes, hanggang less than 10 minutes. Habang dumadalas ang hilab, mas tumitindi rin ang sakit sa harap at likod.
Mararamdaman mo ang sakit na parang menstrual cramps sa puson at lower back pain na sumasabay sa paninigas. Minsan may feeling na parang gusto mong mag-bowel movement pero wala namang lumalabas. Ang pain na kasama ng totoong uterine contractions ay hindi nawawala at mas lumalakas over time.
Para masabi kung matigas ang matris mo, parang iyong noo mo na hindi lumulubog kapag pinindot. Kapag relax naman, parang cheek mo na malambot at nalulubog. Kapag nagle-labor ka, palit-palitan na tumitigas at lumalambot ang uterus. Dapat timingan mo na at itake note kung gaano kadalas nangyayari ito.
Ang uterine contractions na totoo ay walang pinipiling oras, unlike Braxton Hicks contractions na usually sa end of the day. Ang Braxton Hicks ay weak contractions na hindi consistent at maaaring mawala kapag nagpahinga o nagchange ng position. Braxton Hicks contractions help soften and dilate the cervix early stages papunta sa kabuwanan.
Bukod sa uterine contractions, ang isa pang senyales na malapit na ang iyong panganganak ay ang mas maraming discharges. Maaaring brownish o fresh blood habang nagbubukas ang cervix. Ang watery vaginal discharge o pagputok ng panubigan ay isa pang senyales. Maaaring marami itong lumabas all at once o malabnaw na tubig na tuloy-tuloy. Kapag nangyari ito, pumunta na sa ospital at magpakita sa iyong OB-GYN.
Kailan ka dapat pumunta sa ospital para manganak na?
Kapag nakaramdam ka ng paghilab ng matris lasting for 30 to 70 seconds at nangyayari nang at least 6 times or more in one hour, may sakit sa puson at balakang na nag-iincrease ang intensity. Ito ay senyales na nagle-labor ka na.
Kung may watery vaginal discharge o mucous discharge na may dugo, dapat na ring pumunta sa ospital. Maaaring hindi mag-sabay-sabay ang mga signs na ito pero ipaalam sa iyong OB-GYN o healthcare provider ang nararamdaman mo para sa tamang panahon ng pagpunta sa ospital.
Iba pang mga babasahin
Pwede pa ba mabuntis ang 40 years old pataas?
2 thoughts on “Mga senyales na malapit na manganak ang buntis”