Ano ba ang mga kinakailangang vitamins at minerals ng isang buntis? Ang pangangailangan ng buntis ay depende sa kanyang diet. Merong babaeng mahina kumain, meron namang malakas kumain, merong mapili sa pagkain, at meron naman na halos hindi makakain dahil sa paglilihi. Kung halos walang kinakain ang isang buntis, pwedeng ibigay ang halos lahat ng vitamins at minerals para makumpleto ang recommended dietary allowance. Sa mga babaeng kumpleto na ang diet, may ilan pa ring vitamins at minerals na kailangang idagdag dahil sa pagtaas ng pangangailangan habang lumalaki ang baby sa loob ng tiyan.
Ano ba ang mga vitamins at minerals na kailangan ng buntis?
Sa first three months ng pagbubuntis, kinakailangan ang folic acid. Nirerecommend din na inumin nito one to three months bago magbuntis at tuloy-tuloy na ito sa kabuuan ng pagbubuntis. Sa first three months, nagdedebelop ang brain at spine. Binibigay ang folic acid para mapigilan ang pagdedebelop ng mga abnormalities sa brain at spine, na ang tawag ay neural tube defects.
Kasama dito ang spina bifida. Nakakatulong din ang folic acid para mapigilan ang isang klaseng anemia, ang megaloblastic anemia. Dito, sobrang lumalaki ang size ng red blood cells, kaya hindi ito makalabas sa bone marrow at nababawasan ang nagsisirculate na red blood cells sa ugat natin, kaya ang isang babae ay nagiging anemic din. Ang dose ay four hundred to six hundred micrograms per day. Pwede itong inumin kahit anong oras, may laman man ang tiyan o wala.
Ang mga pagkaing mataas sa folic acid ay yung mga green leafy vegetables, kidney beans, mga peanuts, at mustard. Ang isa pang kailangan na mineral sa first trimester ay yung iron. Ang iron ay isang parte ng hemoglobin, ang hemoglobin ay isang protein na nasa loob ng red blood cells. Ito ang nagdadala ng oxygen papunta sa mga organs natin at papunta rin sa baby.
At kung kulang ang oxygen papunta sa baby, ito’y pwedeng hindi lumaki at pwedeng magkaproblema ang pagbubuntis. Pag kulang ang iron, may tinatawag na iron deficiency anemia. Pag nagtest ng dugo, ang hemoglobin ng isang buntis ay hindi dapat bababa sa eleven grams per deciliter. Pag may anemia ang isang buntis, pwedeng ito’y hingalin, palaging nahihilo, magkaroon ng sakit ng ulo, madaling mapagod, hirap makatulog, at maputla o yellowish ang balat.
Ang required na iron ay sixty milligrams elemental iron per day. May tatlong preparations ito: ang ferrous sulfate, three hundred twenty-five milligrams, ay may sixty milligrams elemental iron; ang ferrous fumarate, three hundred twenty-five milligrams, ay may hundred six milligrams elemental iron; at ang ferrous gluconate, three hundred twenty-five milligrams, ay may thirty-six milligrams elemental iron.
Ang iron ay magandang inumin one hour before meals at sabayan ito ng vitamin C para mas maganda ang absorption nito. Wag itong isasabay sa coffee, tea, mga antacids, at sa calcium dahil less ang absorption nito. Kung hindi naman anemic ang isang buntis, pwedeng idelay ang pag-inom ng iron after the third month. Ang side effects kasi nito ay pwedeng may feeling na parang nasusuka, o pwede ring magsuka, at pwedeng constipated o matigas ang dumi pag naka-iron. Wag ring magulat kung maitim ang dumi ng isang buntis.
Kung kulang sa iron, pwedeng kunin ito sa red meat, pork, chicken, liver, whole grain breads, at eggs. Ang vitamins B1, B6, at B12 ay importante rin para sa development ng nervous system ng baby. Nakakatulong din ito para mabawasan ang feeling na parang nasusuka o ang pagsusuka sa buntis. May mataas na vitamin B ang chicken, pork, potatoes, at banana. Kung kumpleto naman ang diet ng isang buntis at hindi naman nagsusuka, pwede namang hindi rin uminom nito.
Sa second to third trimester, pwede na magdagdag ng calcium. Ang calcium ay isang mineral na kinakailangan ng buto at ipin habang lumalaki si baby. Ang buto nito ay tumitigas at humahaba, kaya lalong nangangailangan ng calcium. Kung kulang ang supply ng calcium ng isang buntis, pwedeng maging marupok ang mga buto nito at pwedeng maging mahina ang mga ngipin. Ang kinakailangang calcium ay one thousand milligrams per day. Dalawa ang preparations nito: ang calcium carbonate na dapat inumin after kumain, at ang calcium citrate na pwedeng inumin before or after kumain. Para magandang absorption ng calcium, kailangan isabay ito sa vitamin D. Pwedeng kunin ang calcium sa pag-inom ng isang basong gatas na may equivalent amount na one thousand milligrams ng calcium.
Ang vitamin D naman ay pwedeng kunin sa pamamagitan ng pagbibilad sa araw. Ang mga pagkaing mataas ang calcium ay ang sardines, salmon, yogurt, cheese, at iba pang dairy products. Pag sobra sa calcium, pwedeng maging constipated o mahirapan sa pagdumi, at pwedeng rin magkaroon ng kidney stones.
Ang DHA ay isang klase ng fatty acid na tumutulong sa development ng brain, eyes, at nervous system. May mga pag-aaral na nagsasabing nababawasan ang behavioral at developmental problems sa baby, katulad ng autism at ADHD. Napipigilan din nito ang preterm labor at namemaintain ang normal na body weight ng baby. Ang dose ay two hundred milligrams per day.
Mataas ang DHA sa mga fatty fish, katulad ng salmon, herring, mackerel, at tuna. Mataas din ito sa oysters, lobster, at shrimps. Ang DHA ay inumpisahan after the third month. Hindi ito binibigay pag may history ng abnormal na pagdurugo.
Iba pang mga babasahin
Mga dapat iwasan ng buntis para di makunan
Bakit kailangan ng Pap Smear test sa mga babae
Lunas sa hirap sa pagtae o constipated na buntis
13 Tips ano ang pwedeng gawin sa buntis na masakit ang tiyan
One thought on “Tamang pag inom ng vitamins ng buntis”