Ang pag-uusapan natin sa article na ito ay isa sa mga common tanong ng mga expecting mommies sa ob gynecologist at ito ay kung bakit nga ba raw sinisikmura ang isang buntis at kung normal lang ba daw ito. Ang pananakit ng tiyan sa buntis ay isang karaniwang karanasan, ngunit maaaring magkaroon ito ng iba’t ibang dahilan at kahalagahan depende sa yugto ng pagbubuntis at iba pang mga sintomas na kasama nito. Sa unang tatlong buwan, ang pananakit ng tiyan ay maaaring sanhi ng mga pagbabago sa katawan tulad ng paglaki ng matris, na nagdudulot ng pag-unat at pananakit.
Karaniwan lang ba talaga na sumakit ang tiyan ng buntis
Kapag kayo ay buntis, kasama sa pinagdadaanan ninyo ang pananakit ng sikmura o ang pagsakit ng mataas na bahagi ng tiyan at sa ilalim ng gitnang bahagi ng dibdib, ang heartburn o pananakit ng sikmura. Ito ay nangyayari kapag ang muscular valve sa pagitan ng tiyan at esophagus ay hindi napipigil ang acid mula sa tiyan na bumabalik sa esophagus. Ang valve na ito ay tinatawag na lower esophageal sphincter (LES). Sa normal na pagtunaw ng pagkain, ang LES ang daanan ng pagkain mula sa esophagus papunta sa tiyan. Pagpasok ng pagkain, dapat magsasara ito para hindi makalabas ang stomach acid.
Bakit nga ba sinisikmura ang isang buntis?
Kapag nagbubuntis, ang hormone na progesterone ay nagpapakalma ng lower esophageal sphincter, kaya hindi ito nagsasara ng maayos at tama. Kaya naman nagkakaroon ng pananakit ng sikmura ang mga buntis dahil nakakalabas ang stomach acid pabalik ng esophagus at nagiging sanhi ito ng mahapding pakiramdam sa sikmura.
Ayon naman sa librong Mayo Clinic Guide to a Healthy Pregnancy at sanggol.info habang lumalaki ang sanggol sa sinapupunan, ay lumalaki ang uterus, kaya nagkakaroon ng mas maraming pressure sa tiyan at nagsasanhi ng pagkatulak ng pagkain at acid pabalik ng esophagus.
Ano-ano nga ba ang mga sintomas ng heartburn o ng sinisikmura sa buntis?
Una, palaging busog at palaging bloated ang tiyan; pangalawa, madalas na kinakabag at palaging dumidighay; pangatlo, pananakit ng itaas na bahagi ng sikmura; at pang-apat, madalas na gutom kahit katatapos lang kumain.
At ngayong alam na natin ang mga sintomas ng sinisikmurang buntis, alamin naman natin kung ano ang pwede niyang gawin kapag nararanasan niya ito.
Mga pwedeng gawin para hindi sumakit ang tiyang ng buntis
Unang pwedeng gawin, ay nguyaing mabuti ang iyong pagkain. Isang dahilan ng paghilab ng tiyan ng buntis ay ang mabilis na pagkain. Mas madaling matunaw ang pagkain kapag ito ay nanguya ng mabuti.
Pangalawa, kumain ng mas maliit ngunit mas madalas, o yung tinatawag nilang small frequent diet. Iwasan kung kumain ng mabilis at ng maramihan.
Pangatlo, pagkatapos ninyong kumain, pwede po kayong ngumuya ng chewing gum. Ang laway na nabubuo sa pagngunguya ng gum ay makakatulong na sugpuin ang anumang acid na bumabalik mula sa esophagus. Mahalagang paalala, piliin po ninyo yung mga chewing gum na sugarless, kasi hindi po maganda yung mataas na sugar para sa isang buntis.
Pang-apat, makakatulong din ang pag-exercise upang pagiging aktibo para hindi po bumigat ang timbang. Ngunit mahalagang paalala, para sa isang buntis, tanungin niyo po ang inyong mga doktor kung ano pong exercise ang pwede lang po sa inyo, kasi minsan may mga buntis na sensitive yung kanilang pagbubuntis at hindi sila inaadvice ng kanilang mga doktor na gumalaw o bed rest lang po sila kasi sensitive po ang kanilang pagbubuntis.
Pang-lima, iwasang humiga agad pagkatapos ninyong kumain. Maaaring pagkatapos kumain, maglakad-lakad muna kayo o umupo muna kayo para ma-adjust ng maayos ang inyong mga kinain bago po kayo matulog.
At pang-anim, magsuot ng maluwag na mga damit, iwasan ang masisikip at hapit na damit sa tiyan. Mas masarap matulog kung komportable ang inyong tiyan.
Pang-pito, kapag kayo ay nakahiga na o matutulog na, gumamit kayo ng unan at ilagay niyo sa inyong likod para hindi flat talaga yung pagtulog ninyo, kasi pag flat talaga yung pagtulog ninyo, mas magkakaroon ng chance na aakyat ulit yung acid.
Pang-walo, iwasan po ang uminom ng peppermint tea. Ang pag-inom ng peppermint tea ay nakakapagrelax ng esophageal sphincter, at kapag ito ay bukas, babalik ang acid sa lalamunan imbis na manatili sa tiyan.
Pang-siyam, iwasan po ang mga oily foods, yung mga maaanghang na pagkain, yung mga pagkaing chocolates, yung mga carbonated drinks, lalong-lalo na po kung malapit na kayong matulog.
Pang-10, matulog on your left side. Kapag po kayo natulog sa inyong right side, mas mataas ang posisyon ng tiyan kaysa esophagus, kaya mas posible ang pagkakaroon ng heartburn.
Pang-labing-isa, iwasan kumain ng mga heavy meals o yung mga matagal matunaw na pagkain, lalong-lalo na kapag sa gabi na malapit na kayong matulog.
Pang-labing-dalawa, iwasang uminom ng tubig habang kumakain. Mas mabuting uminom kayo ng tubig bago kumain o after ninyong kumain.
Pang-labing-tatlo, ay ang pag-inom ng antacid. Ngunit mahalagang paalala, ang pag-inom ng antacid o ng kahit anong gamot habang kayo ay buntis ay nangangailangan ng consultation o ipagpaalam po ninyo sa inyong mga doktor, kasi para malaman po ninyo kung safe po ba para sa inyo ang gamot na yan.
Mahalagang paalala, kung sa tingin ninyo, mas lumalala po yung nararamdaman ninyo kahit ginawa na ninyo yung mga paraan o yung mga tips para mabawasan yung paninikmurang nararamdaman ninyo, mas maigi pong kumunsulta kayo sa inyong mga doktor at nang mabigyan kayo ng gamot na safe sa inyo at safe din sa inyong mga baby.
Iba pang mga babasahin
10 Senyales ng Pagbubuntis: Mga dapat malaman ng kababaihan
Buntis sa unang linggo -5 Senyales at Sintomas
2 thoughts on “13 Tips ano ang pwedeng gawin sa buntis na masakit ang tiyan”