Napakaganda po ng topic natin ngayon kasi ito ang kadalasang tinatanong ng karamihan ng mga kababaihan, lalo na yung mga hindi pa nagkakaanak. Alamin natin sa artilce na ito kung pano malalaman kung mababa ang matres at mahihirapan nga ba talaga na mabuntis ang isang babae.
Mga kadalasang tanong sa matres ng mga gustong mabuntis
- Mababa po ba ang matres ko?
- Kung mababa po ang matres ko, mahihirapan po ba ako magbuntis?
- Kung mababa po ang matris ko, kailangan ko po bang magpahilot?
Ang mga katanungan na yan ay masasagot natin sa articlen ito. Bago ang lahat, alamin muna natin ang anatomy ng ating reproductive organ. Ito ang vagina. Nasa dulo ng vagina ang cervix. Ang cervix ay leeg ng matres. Ito ang katawan ng matres. Ito ang fallopian tube at ang dalawang ovario. Ang haba ng vagina ay between 2.75 to 3.5 inches at ang size ng matres, ang kanyang taas ay mga 3 to 4 inches at ang lapad ay mga 2.5 inches.
Ang shape ng uterus ay parang perlas na nakabaliktad. Pwede siyang nakaharap sa harap o antiverted, pwede ring nakaharap sa likod o retroverted. Ang matres ay maliit lang at ito ay malalim ang kinalalagyan sa loob ng pelvic cavity, kaya sa ordinaryong examination ng puson kadalasan ito ay hindi nakakapa. Pwede itong makapa kung more than two months pregnant na ang isang babae o kaya kung siya ay may bukol sa matres.
Para hindi bumaba ang matres, ito ay sinusuportahan ng mga ligaments dito sa taas at ang pelvic floor muscles dito sa baba. Makikita niyo po diyan ang ligaments na tumutulong para hindi bumaba ang matres at ang pelvic floor muscles o yung mga muscles sa baba ng matres na tumutulong din para hindi ito bumaba. Kung ang mga ligaments na ito ay sobrang nahila o na-stretch at ang pelvic floor muscles ay nanghina o nagnipis, ang matres ay pwedeng bumaba sa vagina o sa labas ng vagina at ang tawag dito ay uterine prolapse.
Ano ba mga dahilan para humina ang suporta ng matres at ito ay bumaba?
Pwedeng ma-stretch ang mga ligaments dahil sa pagbubuntis, pwedeng sobrang laki ng baby o kaya maraming beses na nagbuntis ang isang babae. Pwede manghina ang pelvic floor muscles sa sobrang pag-ire habang nanganganak. Pwede manghina ang suporta ng matris kung ang isang babae ay menopause na. Pag wala na kasing estrogen o mababa ang estrogen, nagninipis na yung mga tissues na sumusuporta sa matris. Ang iba pang pwedeng dahilan ay ang palagiang pagbubuhat ng mabibigat, ang matagal na pag-ubo, ang pagtaba o obesity, pag palaging matigas ang pagdumi at ire nang ire, at meron ring mga tao na ang family history nila ay mahina talaga ang kanilang connective tissue.
Ano ba mga sintomas sa mga babaeng mababa ang matres?
Kadalasan may feeling na parang may bumabagsak sa pwerta, pwedeng may nakakapang laman na lumalabas sa pwerta, pwede ring may feeling na pag naglalakad parang may naiipit sa pwerta, yung iba sumasakit ang puson at pwede ring sumakit ang balakang. Pwede magkaroon ng hindi mapigilang pag-ihi o pwede ring hirap magdumi. Pwedeng masakit makipagtalik kung may natatamaan, pwede ring magtugo o pwedeng lumakas ang discharge na lumalabas sa pwerta.
Paano ba malalaman kung mababa ang matres niyo o kung kayo ay may uterine prolapse?
Pwedeng makita na ang laman ay nakausli sa vagina. Malalaman din pag nag pelvic examination ang inyong doktor, sabay ang kapa sa pwerta at sa puson para malaman kung mababa ang matres. Pag nag vaginal exam ang inyong doktor, pwedeng i-request kayo na umiri o umubo para malaman kung bumababa ang matres.
Paano ba maiiwasan ang pagbaba ng matris o ang uterine prolapse?
Para tumibay ang muscles sa pelvic floor, gawin yung kegel exercises. Ang exercise na ito ay ginagawa ng madalas sa isang araw. Itry niyong pigilan ang inyong pag-ihi, pagalawinang muscle sa pwerta. Gawin niyo po ito ng maraming beses sa isang araw. Kung kayo ay constipated, kailangan niyong kumain ng maraming gulay at kailangan niyong uminom ng maraming tubig. Kung kayo ay may chronic cough o umuubo na ng matagal, kailangan alamin ang kadahilanan nito at ito’y magamot. Iwasan madalas na magbuhat ng mabibigat na mga bagay. Iwasan ang sobrang pagtaba.
Paano ho ba ginagamot ang mababang matres?
Kadalasan hindi naman ito ginagamot kung ito ay mild lang. Para mapigilan ang pagbaba ng matres, pwede maglagay ng pesari, isang device na nilalagay dito malapit sa cervix para mapigilan ang pagbaba o pagbagsak ng matres. Kung menopause na, pwede gumamit ng vaginal estrogen cream para tumibay ang muscle sa pwerta. At pwede rin po itong operahan. Sa mga babae pong gusto pong magbuntis, pwedeng patibayin ang ligament na sumusuporta sa matres, pwede ring i-repair ang vaginal wall, o pwede rinng tanggalin na ang matres kung may edad na rin at wala na ring desire na magbuntis.
Ngayon naintindihan niyo na ang uterine prolapse, sagutin na natin yung tatlong most commonly asked questions sa clinic.
Mababa po ba ang matres ninyo?
Kung hindi pa po kayo nagkakaanak at bata pa kayo, malaki ang chance na hindi bababa ang matres ninyo. Ang mababang matres ay hindi dahilan para mahirapan kayong magbuntis. Hindi pwedeng masabing mababa ang matris ninyo pag kinapa ang puson ninyo kasi ang matris po ay kadalasang hindi naman nakakapa sa puson. Kung sakali mang may mababang matres o uterine prolapse, hindi ito kayang icorrect ng hilot kasi kahit maitaas ang matres, bababa rin ito dahil mahina ang suporta.
Iba pang mga babasahin
10 Tips paano mabilis na gumaling ang tahi ng pwerta pagkapanganak
Tamang pag-ire kapag manganganak na
2 thoughts on “Mahirap ba mabuntis ang mababa ang Matres?”