Babae ba o lalaki ang baby ninyo? Paano niyo nga ba malalaman ito? Sa article na ito, malalaman niyo ang mga lumang paniniwala tungkol dito. Tatalakayin din natin ang mga test na pwedeng i-request ng inyong mga doktor para malaman ito ng mga buntis.
Bakit nga ba maaga pa lang gusto mo nang malaman ang sex o kasarian ng iyong baby?
Natural na excited kayo. Pwede mag-isip ng pangalan, pwede na maghanda ng mga damit o gamit na nasa tamang kulay, at ang uso ngayon, pwede na kayong magplano ng inyong gender reveal party.
Alam niyo ba na sa time pa lang na fertilization, pag nagsama na ang sperm at egg, meron nang kasarian ang inyong baby? Ang egg cell na may XX chromosome at ang sperm cell na may XY chromosome ay magko-contribute ng tig-iisang chromosome sa baby. X chromosome lang ang pwedeng i-contribute ng egg, at ang sperm cell ay pwede mag-contribute ng X o Y chromosome. Pag X chromosome ang nanggaling sa sperm cell, ang baby niyo ay babae. Pag Y chromosome ang nanggaling sa sperm cell, ang baby niyo ay lalaki.
Ang ari ng baby ay unang magde-develop pag siya ay seven weeks old na. Hindi pa ito madi-diferentiate kung lalaki o babae hanggat hindi ito fourteen weeks. Kaya kung ang mga doktor ay nag-request ng ultrasound, naghihintay kami ng mga eighteen to twenty weeks para mas accurate ito.
Paano nalalaman ang kasarian ng Baby noong unang panahon
Pumunta tayo sa history. Ang kagustuhan na malaman kung anong sex ng baby habang ito’y nasa loob ng tiyan ay nag-umpisa pa noong unang panahon. Ang oldest record tungkol dito ay noong 1400 to 1600 BC sa Egypt. Ang method na ginamit ay magbababad sila ng barley seeds at wheat grain sa ihi ng buntis, at ito ay itatanim at titingnan kung ano ang unang uusbong. Kung ang unang uusbong ay wheat, ang baby ay lalaki. Pag barley, babae.
Noong 460 to 357 BC naman, ayon kay Hippocrates, isang Greek physician, kung ang baby ay nag-develop sa kanang parte ng matris, kung mas malinaw ang kanang mata o mas malaki ang kanang suso ng buntis, ang baby ay lalaki. Pinag-aralan din ito ng mga Chinese noong 1644 hanggang 1911, at nakagawa sila ng gender predictor chart. Ito ay base sa edad ng buntis at kung anong buwan nabuo ang baby.
At sa ngayon, meron din tayong tinatawag na old wives’ tales o mga lumang paniniwala tungkol dito. Gusto ko lang i-share sa inyo ang mga paniniwalang ito. Pwede itong gamitin para sa katuwaan lang guessing game, pero hindi pwedeng gamitin sa pagpaplano ng mga bagay-bagay tungkol sa inyong baby. Ang mga ito ay walang scientific basis.
Pamahiin: Kailan daw ba masasabing lalaki ang baby?
Lalaki ang baby pag hindi maselan ang paglilihi ng isang buntis. Ang hilig daw na kainin ay maalat, maasim, o yung may kakaibang lasa. Mas mabilis daw mag-gain ng weight, nanlalamig ang mga paa, mas bilog ang tiyan, mas malikot daw ang baby, ang heartbeat ay mas mabagal, less than 140 beats per minute. Ang linya sa gitna ng tiyan, ang linea nigra, ay mahaba at lumalampas sa pusod. Kung na-ultrasound daw ng maaga ang baby, makikita ang inunan na nasa bandang kanan.
Kung babae naman daw, mas maselan sa paglilihi, mas madalas ang pagsusuka, at naghahanap ng mga pagkain na matatamis. Mas mabagal ang pag-gain ng weight, oily ang skin, may acne o tagyawat, at dry ang buhok. Ang linya sa gitna ng tiyan o linea nigra ay maiksi lang, umaabot lang ito hanggang sa pusod. Moody daw at makakalimutin, ang heartbeat ng baby ay mas mabilis. Kung na-ultrasound ng maaga, ang inunan daw ay nasa bandang kaliwa.
May mga test pa ngang ginagawa ang iba. Isa na dito yung baking soda test. Ilalagay ang ihi sa baking soda. Pag bumula daw ito, ang baby ay lalaki. Pag walang nangyari, ang baby daw ay babae. Meron ding tinatawag na ring gender prediction. Isasabit daw ang singsing o karayom sa sinulid. Ito ay i-da-dangle sa taas ng tiyan ng buntis. Kung ito daw ay nagkaroon ng circular motion o paikot, ang baby daw ay babae. Kung ang galaw ng ring ay back and forth lang, parang pendulum, ang baby daw ay lalaki. Ano masasabi ninyo sa mga paniniwalang ito?
Paano malalaman ng 100% ang kasariaan ng Baby?
Ang mga test na ginagawa sa laboratory o sa hospital ay may almost 100% accuracy. Una na dito ay ang ultrasound. Madi-differentiate na kung lalaki o babae pag eighteen to twenty weeks pregnant na. Pwede mahirapan makita ang sex ng baby kung ito’y nakaipit sa dalawang hita, kung ang baby ay suhi, o kaya kambal.
Ang isa pang test ay ang DNA blood test. Pwede itong gawin kahit less than ten weeks pregnant pa lang. Kumukuha ng sample ng dugo ng buntis at pinadadala ito sa laboratory. Ang test na ito ay ginagawa para malaman kung may genetic abnormality ang baby. Hindi ito ginagawa para malaman lang kung ano ang sex ng baby dahil may kamahalan din ang test na ito.
Ang chorionic villus sampling ay pwedeng gawin pag ten weeks pregnant. Ito ay ginagawa din para madetect ang genetic abnormality sa baby, hindi para lang malaman kung ito ay lalaki o babae. Invasive kasi ang procedure. Magpapasok ng karayom sa loob ng matris para makakuha ng sample sa inunan. Pwede magdugo, pwede makunan, at pwedeng magka-infection dito.
Ang isa pang test ang tinatawag na amniocentesis. Invasive din ito dahil nagpapasok ng karayom sa tiyan ng buntis para makakuha ng amniotic fluid. Ginagawa din ito para malaman kung may diperensya ang baby, hindi lang para malaman kung anong sex nito. Dahil ito’y invasive din, pwede ring magdugo, makunan, o magka-infection.
May mga bagong test na lumalabas sa market. Ang isa dito ay gumagamit ng ihi ng buntis at hinahalo ito sa isang chemical. Pag nag-iba daw ng kulay, naging green ito, ang baby daw ay lalaki. Pag orange naman, ang baby daw ay babae. Kine-claim ng manufacturer na ito raw ay 90% accurate. Hindi pa ito recommended ng kahit anong medical society.
Ang isa pang bagong labas na test ay isang klase ng DNA test. Kumukuha ng sample ng dugo sa buntis at pinadadala ito sa DNA diagnostic center. Ito daw ay almost 100% accurate pero may kamahalan. Kayo na pong mamili kung anong paraan ang gusto ninyo. Kung makapaghihintay naman kayo ng eighteen to twenty weeks, ang ultrasound naman ay safe, accurate, at inexpensive.
Iba pang mga Babasahin
Mahirap ba mabuntis ang mababa ang Matres?
10 Tips paano mabilis na gumaling ang tahi ng pwerta pagkapanganak
One thought on “Paano malaman kung babe o lalaki ang baby”