Bakit ba nagkakaroon ng kakaibang amoy ang puwerta ng isang babae? May natural na amoy ang pwerta natin dahil sa lactic acid na pinoproduce ng lactobacilli na makikita sa pwerta at sa vagina. Ang lactobacilli ay ang good bacteria na nagmemaintain ng acid pH ng ating pwerta at vagina. Sa acid pH, nakokontrol ang pagdami ng mga bad bacteria. Pag marami kasing bad bacteria, magkakaroon tayo ng infection. Ang tawag doon ay bacterial vaginosis or non-specific vaginitis na pwedeng dahilan para magkaroon ng malansang amoy ang ating pwerta.
Ano ang mga sintomas ng mabahong discharge sa pwerta ng babae?
Maliban sa malansang amoy o fishy odor, dumadami ang discharge natin. Nag-iiba ang kulay nito from white to grayish o yellowish or greenish at pwede rin magkaroon ng urinary tract infection pag pumasok ang bacteria sa daanan ng ihi. Ang bacterial vaginosis ay common sa mga sexually active na babae pero pwede rin ito mangyari kahit na walang history ng sexual contact. Pwede mangyari ito sa maling paghugas ng pwerta.
Halimbawa ng hygienic na pag aalaga para makaiwas sa mabahong discharge sa babae
Pag nagdumi ang isang tao, dapat ang unang hinuhugasan ay ang pwerta bago ang puwet. Yung ibang nangyayari, unang hinuhugasan nila yung puwet bago yung pwerta kaya yung bacteria galing sa puwet ay nakakapasok sa vagina. Pag sinasama ang vagina sa paghugas ng pwerta, mas prone din sa bacterial vaginosis pag nagdouche. Nag-iiba yung pH ng vagina at dumadami yung bad bacteria. Pag sexually active din, mas prone din sa bacterial vaginosis. Pwedeng pumasok ang abnormal bacteria during sexual activity at dahil ang pH ng semen ng lalaki ay alkaline, pwede niyang pataasin ang pH ng vagina para maging prone ito sa bacterial infection.
Nagkakaroon din tayo ng infection o bacterial vaginosis pag nagmens tayo. Pwede rin kasing pataasin ng dugo ang pH ng vagina kaya pagkatapos ng regla, kung minsan may naamoy tayo na hindi maganda. Paano ba maiiwasan ito?
Papaano ba Maiiwasan ang mabahong Discharge sa babae?
- Unang-una, dapat tama ang paghugas ng pwerta. Ang unang hinuhugasan ay ang pwerta bago ang puwet, hindi yung baliktad.
- Pangalawa, dapat hindi sobrang hugas para hindi mawala ang normal na bacteria o good bacteria.
- Pangatlo, iwasan po na hugasan ang loob ng vagina. Wag po tayo magdouche para hindi mag-iba yung pH sa loob at ma-maintain yung good bacteria.
- During sexual activity, pwedeng gumamit ng condom para maiwasan yung effect ng semen sa pH ng vagina.
- Iwasan ang mga nylon underwear at mga tight-fitting shorts para hindi mainitan at hindi pawisan ang singit natin at mapigilan ang pagdami ng bacteria.
- Kailangan magpalit ng napkin every four to six hours para maiwasan ang infection.
- Mas magandang maiwasan ang paggamit ng tampon, pero dun sa mga gustong gumamit nito, dapat magpalit every four to eight hours at wag kakalimutang tanggalin ito.
Pag nagkaroon po tayo ng abnormal na discharge at amoy dahil sa bacterial vaginosis, pwedeng obserbahan muna ito dahil pwede naman ito kusang mawala. Pero kung tuloy-tuloy pa rin yung nararamdaman ninyo at naaamoy ninyo, magpacheck-up na po kayo para mabigyan kayo ng antibacterial medication. Para dumami din ang good bacteria, pwede niyong itry ang probiotics. Pwede ring kumain ng yogurt.
Sa mga Sexually Transmitted Diseases na dahilan ng mabahong discharge
Ang most common cause ng mabahong discharge ay ang trichomoniasis. Ang discharge ay malansa, grayish to greenish, at pwedeng may kasamang pangangati. Ang gamot dito ay antibiotic. Kailangan gamutin pati yung partner. Pwede rin magkaroon ng konting mabahong amoy sa gonorrhea tsaka chlamydia. Pwedeng may kasama rin itong discharge na yellowish to greenish at pagdurugo during sexual contact. Ang gamot sa mga ito ay antibiotic din.
Ang isa pang dahilan ng mabahong discharge na nagagalit sa pwerta ay yung tinatawag na vaginal cancer o cervical cancer. Ito’y kadalasang nakikita sa mga babaeng edad thirty-five pataas. Kailangan ng regular check-up para maagapan ito.
Pwede ring magkaroon ng mabahong discharge sa pwerta pag merong foreign body na naiwan sa loob ng vagina. Pwede itong tissue, condom, tampon, at iba pang bagay. Pwede rin magkaroon ng mabahong discharge kung may tinatawag na recto-vaginal fistula. Pag nanganak ang isang babae at natahi sa pwerta, kung minsan may naiibang butas na nagkoconnect ng dulo ng bituka at ng vagina kaya ang bacteria sa puwet ay madaling makapunta sa pwerta at mag-cause ng infection. Para maayos ito, kailangan nitong maoperahan.
Iba pang mga babasahin
Kailan dapat gumamit ng Pregnancy Test (PT)
10 Tanong tungkol sa mababa ang Matres
2 thoughts on “Mabahong discharge sa Babae: Bakit may amoy?”