Alam niyo ba na ang pagtaas ng body temperature ng isang buntis ay may hindi magandang mga epekto sa baby? Ang normal body temperature ay nasa 37 degrees centigrade (98.6 degrees Fahrenheit). Sinasabing may lagnat kung ang temperature ay 38 degrees centigrade pataas. Sinasabing may high fever o mataas na lagnat kung ang temperature ay 39.5 degrees centigrade pataas.
Paano malalaman kung may lagnat ang buntis?
Maraming paraan ang pagkuha ng body temperature. Merong tinatawag na digital thermometer. Pwede itong kumuha ng temperature sa bibig, pwede sa puwet, at pwede rin sa kilikili. Mayroong tympanic thermometer na kumukuha ng temperature sa tenga. Meron ding temporal artery thermometer na kumukuha ng temperature dito sa ugat malapit sa tenga. Meron na ring smartphone app na ginagamit para kumuha ng temperature.
Ang most accurate dito ay ang rectal temperature, pero ito’y kadalasang ginagamit lang sa mga less than three years old. Sa mga more than four years old o adults, ang ginagamit ay ang oral temperature. Ilagay lang ang digital thermometer sa ilalim ng dila ng mga 40 seconds. Ang pagkuha ng temperature sa kilikili ay hindi gaanong accurate—0.3 to 0.6 degree centigrade na mas mababa ito kaysa sa oral temperature. Less accurate din ang temporal artery thermometer at smartphone app.
Yung dating ginagamit na glass thermometer na may mercury ay hindi na recommended. Mahirap itong basahin at poison din ang mercury kung sakaling mabasag ito. Kung wala naman kayong thermometer, pwede ninyong malaman kung may lagnat kayo base sa kapa. Kung mapula o flushed ang mukha ninyo, at kung meron kayong chills o para kayong giniginaw at masakit ang inyong ulo, maaaring may lagnat kayo.
Bakit nga ba dapat bantayan ang lagnat sa buntis?
Ayon sa mga pag-aaral, pag nagkalagnat daw sa first three months na pagbubuntis, pwede magka-abnormality ang baby. Ito kasi ang time na nagdedevelop ang organs niya, lalo na ang puso at ang brain. Pwede raw magkabingot o cleft lip or palate, at magkaroon ng problema sa brain at spinal cord na tinatawag na neural tube defects. Pag nagkaroon daw ng mataas na lagnat sa second trimester, 40% daw na mas mataas ang risk na magkaroon ng autism ang inyong baby. Ito’y ang abnormal brain function. At pag nagkaroon daw ng lagnat sa third trimester, 15% daw na mas mataas ang risk na magkaroon din ng autism. Dahil sa hindi magandang epekto ng lagnat sa buntis, maganda talagang maiwasan ito.
Ano ba mga dahilan bakit nagkakalagnat ang isang buntis?
Ang kadalasang dahilan sa buntis ay infection, kadalasan ay viral or bacterial. Maraming viruses ang dahilan ng common cold o sipon. Marami ding viruses ang dahilan ng pagtatae o gastroenteritis. Pwede ring magkaroon ng COVID-19 infection ang isang buntis. Pwede rin magkaroon ng flu, dengue, tigdas o measles, German measles, bulutong o chickenpox. Pwede ring magkaroon ng bacterial infection ang isang buntis, katulad ng tonsillitis, sinusitis, pneumonia, urinary tract infection, bacterial gastroenteritis, appendicitis, o chorioamnionitis pag may butas o leak ang bag of water. Ang lahat ng mga infections na ito ay pwede maging dahilan para tumaas ang temperature o magkaroon ng lagnat ang isang buntis.
Ano ba ang mga dapat gawin kung nilalagnat ang buntis?
Mahalaga na pababain agad ang temperature. Pwedeng painumin agad ng acetaminophen o paracetamol para bumaba agad ang lagnat. Hanggat may lagnat, binibigay ito every four hours. Pwede mag sponge bath o punasan ng basang bimpo ang buong katawan, lalo na ang mga singit. Pwede maglagay ng ice pack dito sa forehead pero iwasan po ang cold bath o pagpapaligo ng malamig na tubig o paglubog sa bathtub na may malamig na tubig. Pwede kasi magconstrict o magsara ang ugat sa buong katawan at hindi lalabas ang init at pwede rin itong maging dahilan para magchills at lalong tumaas ang body temperature.
Importante na uminom ng maraming fluids. Pwede itong tubig, juice, o gatas. Iwasan ang kape o tsaa na lalong nakakadehydrate. Mamalagi sa isang malamig na lugar, magsuot ng manipis o preskong damit, at gumamit lang ng mas manipis na kumot. Para gumaling agad, kailangan ng pahinga.
Ang antibiotic ay binibigay lang kung may bacterial infection. Hindi ito effective sa viral infection. Kung ano man ang sakit na dahilan ng lagnat, kailangan ito’y gamutin agad. Kadalasan pag viral infection, ang treatment ay supportive lang—maraming fluids, healthy diet, vitamins, at pahinga. Kung may sipon at ubo, pwede mag steam inhalation. Kung barado ang ilong, makakatulong din ang nasal saline spray. Kung may diarrhea, damihan ang pag-inom ng maraming fluids. Hindi dapat madehydrate. Pwedeng uminom ng oral rehydrating solution. Maaari rin kayong gumawa nito, maglagay ng anim na kutsaritang asukal, kalahating kutsaritang asin, sa isang litrong tubig. Pag nagda-diarrhea, pwede ring mabawasan ang potassium sa katawan. Para mapalitan ito, pwede kayong kumain ng apples o banana na mataas sa potassium.
Kailangan ninyong kumunsulta sa doktor kung ang lagnat ninyo ay more than three days na. Kadalasan pagkatapos ng viral infection, sinusundan ito ng secondary bacterial infection kaya kakailanganin ninyo na ng antibiotics. Magpakonsulta na agad kung ang temperature ninyo ay hindi bumababa ng 40 degrees centigrade, kung napansin ninyo na kayo ay nanghihina, suka kayo ng suka, kung grabe ang sakit ng ulo ninyo at parang kayo ay tuliro o confused o naghahalusinate na na pwedeng senyales ng mataas na infection, at kung may rashes na sa inyong katawan, o kaya naninigas ang inyong leeg, o nahihirapan kayong huminga, o tuloy-tuloy ang pagsakit ng tiyan at hindi humihinto ang inyong pagtatae. Kinakailangan ninyo na pong magpacheck-up.
Dahil infection ang kadalasang dahilan ng lagnat, gawin ang lahat ng kinakailangang pag-iingat para maiwasan ito. Dalasan ang paghuhugas ng kamay, magsuot ng mask, dumistansya sa ibang tao, iwasang hawakan ang inyong mukha lalo na ang ilong, hugasang mabuti ang inyong mga gulay at prutas, siguraduhing lutong-luto ang inyong kinakain na mga karne, at kayo ay magpabakuna para maiwasan ang mga viral infections.
Iba pang mga babasahin
Gamot sa sipon at ubo ng buntis: Natural Home remedy
One thought on “Lagnat sa Buntis : Sintomas, dahilan at gamot”